
Kapag sinusuway ang mga ligaw na sekta, kadalasang ginagamit ng mga fruit salad at kulang sa kaalaman ang linyahang: “Ang Allah lang ang nakakaalam kung sino ang nasa tama at mali.”
Uy, mukhang humble naman pakinggan at hindi judgemental. Karapat-dapat sa Nobel Peace Price. Pero, hindi lahat ng masarap sa pandinig ay tama sa paniniwala, at hindi lahat ng mukhang mabuti ay katanggap-tanggap sa Islam.
Kung hindi lang makitid ang pag iisip ng mga nagsasabi nito, at naway buksan ng Allah ang kanilang puso, mapagtatanto nila na ito ay isang mapanganib na maling unawa na tahasang sumasalungat sa layunin ng pagpapadala ng Qur’an, ng mga Propeta, at ng buong relihiyon ng Islam.
Ang tanong ko para sa kanila: Kung Allah lamang ang nakaaalam ng tama at mali, para saan pa ang Qur’an?
Hindi ipinahayag ng Allah ang Kanyang Aklat upang manatiling malabo ang katotohanan. Ang mismong layunin ng kapahayagan ay malinaw na sinabi ng Allah:
“Ito ang Aklat na Aming ibinaba sa iyo upang ilabas mo ang mga tao mula sa kadiliman tungo sa liwanag.” (Qur’an 14:1)
Inutusan tayo ng Allah na ipag-utos ang tama, ipagbawal ang mali, at pagbibigay-babala laban sa shirk at bid‘ah. Kung ang katotohanan ay hindi pala natin alam, ano pang saysay sa mga ipinag-utos ng Allah na ating nabanggit?
Malinaw po ang Islam. Kumpleto at perpekto ang katotohanang dinala ng Sugo ﷺ, wala nang kulang. Paulit-ulit na nilinaw ng Qur’an kung ano ang tama at mali, katotohanan at kasinungalingan, pananampalataya at pagkaligaw.
Sinabi ng Allah: “Ang katotohanan ay mula sa inyong Panginoon, kaya huwag kayong mapabilang sa mga nag-aalinlangan.” (Qur’an 2:147)
At sinabi rin Niya: “Ang landas ng mga mananampalataya ay malinaw na nahiwalay sa landas ng mga makasalanan.” (Qur’an 6:55)
Kung ang tama at mali ay hindi natin maaaring tukuyin, bakit pa Niya “hiniwalay” ang mga ito?
Oo, ang Allah ang lubos na Nakaaalam pero itinuro Niya ang kaalamang ito kung paano makikilala ang tama at mali, sa Qur’an, sa Sunnah ng Rasulullah ﷺ, at sa pagkaunawa ng mga Sahabah.
Sinabi ng Propeta ﷺ: “Iniwan ko sa inyo ang dalawang bagay; hindi kayo maliligaw hangga’t kayo’y kumakapit sa mga ito: ang Aklat ng Allah at ang aking Sunnah.”
Kung walang makakaalam ng katotohanan, bakit pa Niya tayo binigyan ng gabay laban sa pagkaligaw?
Alam niyo ang mas delikado? Hindi yung paghatol sa kaligawan ng mga sektang tunay na nangaligaw, kundi ang linyahan nilang “Ang Allah lang ang nakaaalam.”
At sinasabi ito ng mga mababaw ang pang-unawa sa mga ulama na nagbabawal at sumusuway sa kaligawan upang itigil nila ang pagtawag sa mali bilang mali, patahimikin ang pagwawasto, gawing pantay ang katotohanan at kamalian, at bigyang-lusot ang mga lihis na paniniwala.
Hanggang sa wala nang magbabawal at dahan-dahang maipuslit nila sa relihiyong ito ang kanilang maliit na kasalanan, dahan-dahan, hanggang sa ang Islam ay hindi na makilala bilang purong Islam na mula sa Allah.
Ang shirk, sa panahon na ito, ay magiging opinyon lang, ang bid‘ah ay personal choice, at ang paglapastangan sa Sahabah ay “iba’t ibang pananaw lang” na kailangan respetuhin.
Ito ang eksaktong dahilan kung bakit kailangan nating sawatain ang pagkaligaw, dahil may malinaw na pamantayan.
Mahalagang linawin din na hindi natin hinahatulan ang nakatagong puso ng tao, iyan ay para sa Allah. Ngunit hinahatulan natin ang mga paniniwala at gawaing lantad batay sa Qur’an at Sunnah at iyan ay obligasyon.
Ang mga Sahabah mismo ay tumawag sa maling aqeedah bilang mali, nagbabala laban sa mga sekta, at nagtakda ng malinaw na hangganan ng Ahlus-Sunnah. Kung sila ay nag-ingat sa relihiyon, bakit tayo magiging mas “relaxed” kaysa sa kanila?
Ang Islam ay hindi relihiyon ng bahala na. Ito ay relihiyon ng katotohanang ipinahayag, ipinaliwanag, at ipinag-utos na sundin. Kaya wag mong sabihin na “Hindi ko alam kung sino ang tama,” kundi sabihin mo, “Narinig namin at kami ay susunod.”
Nakasaad na sa ahadeeth na darating ang panahon ng matinding fitnah, kapag wala nang boses na maglalakas-loob magsabi ng “ito ay shirk”, “ito ay bid‘ah”, “ito ay pagkaligaw.” Kapag wala nang mga taong matapang na tumindig para sa katotohanan, wala nang mga boses na hindi natatakot magsabi ng tama at mali.
Unti-unting mawawala ang mga ulama ng katotohanan, tatahimik ang mga tagapagbantay ng aqeedah, at ang kasinungalingan ay lalaganap nang walang hadlang.
Sa panahong iyon, hahanapin mo ang tapang na minsang umalingawngaw, ang linaw na minsang nagbigay-lakas sa pananampalataya, at ang katiyakang minsang nagpatatag sa puso.
Hahanapin mo ang mga taong minsan mong tinawag na “istrikto,” “judgmental,” at “radikal,” dahil sila pala ang huling pader na nangalaga sa katotohanan. Ngunit huli na, ang katotohanan ay napalitan na ng kompromiso, at ang Islam na iniwan sa atin ay anino na lamang ng kahapon.
Lumipas na ang panahon, nagbago ang mundo, at ang kasiyahang dulot ng pagiging nasa katotohanan ay hindi na maibabalik pa. Ang lahat ng iyon ay pangarap na lamang.