RASHID OCAMPO

Nov 14, 2026

Ang Sigarilyo ay Haram

Sigarilyo.

Kung may isang bagay na siguradong walang mabuting naidudulot, ito na ‘yun.

Walang nutrisyon. Walang health benefits. Walang moral value. Walang silbi sa katawan maliban sa dahan-dahang pagsira nito.

At ang mas malungkot?

Sa kabila ng malinaw na pinsalang dulot nito, maraming Muslim pa rin ang hindi lamang gumagamit nito, kundi tila ginagawa pa itong bahagi ng kanilang buhay.

At pagdating ng Ramadan?

Sa halip na dates o tubig ang unang papasok sa katawan pagkatapos ng mahabang araw ng pag-aayuno— ang usok ng sigarilyo ang inuuna ng ilan.

“Grabe ka naman, hindi naman ito haram.”

Talaga? Sige, saglit nating pag-usapan.

Masama sa katawan.

Alam na natin ito.

Walang sinumang makapagpapatunay na may mabuting naidudulot ang sigarilyo sa kalusugan.

Ang usok na nilalanghap mo?

Naglalaman ng mahigit 7,000 kemikal, kung saan 70 rito ay kilalang nagdudulot ng kanser.

Ang epekto?

Sakit sa puso, baga, utak at kung ano-ano pang komplikasyon.

Hindi lang simpleng ubo. Hindi lang simpleng kahirapan sa paghinga. Kundi matinding pinsala sa katawan na maaaring humantong sa kamatayan.

At kung iniisip mong ikaw lang ang apektado... hindi totoo 'yan.

Ang usok na ibinubuga mo?

Nakaaapekto rin sa mga taong nasa paligid mo, lalo na sa mga mahal mo sa buhay. Paano kung magkasakit ang anak mo, asawa mo, magulang mo, dahil sa usok na galing sa’yo?

Ano ang sasabihin mo sa Allah kapag humarap ka sa Kanya?

Sayang na pera.

Magkano na ang isang kaha ng sigarilyo ngayon?

Sabihin nating ₱150 kada araw. ₱4,500 kada buwan. ₱54,000 kada taon.

Para lang sa isang bisyong hindi mo naman kailangang gawin.

-Kung iniipon mo ‘yan, may sapat ka nang puhunan para magsimula ng maliit na negosyo.

-Kung iniipon mo ‘yan, puwede mo nang maipadala sa pamilya mo o maitulong sa nangangailangan.

Pero sa halip, sinusunog mo lang ang pera mo, literal.

At ang mas matindi rito?

Ang paninigarilyo ay hindi lang sayang na pera, kundi isang pagsuway sa Allah.

Dahil ang kayamanan natin ay amanah mula sa Kanya. At may pananagutan tayo kung paano natin ito ginagamit.

“At huwag ninyong sayangin ang inyong kayamanan ng walang kabuluhan...” (الإسراء 26)

Marami ang nagsasabing, “Kaya ko namang tigilan kung gusto ko.”

Pero tanong…

Bakit hindi mo matigil?

Kung kaya mong tiisin ang gutom, uhaw, at kahit ang iyong pagnanasang sekswal mula madaling araw hanggang paglubog ng araw para kay Allah, pero hindi mo kayang tiisin ang sigarilyo... Sino ang may hawak sa'yo?

Ikaw? O ang sigarilyo?

Kung kaya mong tiisin ang gutom, pero hindi ang sigarilyo, hindi ba’t malinaw kung sino ang tunay mong adiksyon?

Kung kaya mong talikuran ang tubig, pero hindi ang sigarilyo, hindi ba’t malinaw kung sino ang mas nangingibabaw sa buhay mo?

Kapag dumating ang oras ng iftar at mas inuuna mo pang sindihan ang sigarilyo kaysa banggitin ang pangalan ni Allah, hindi ba’t napakalinaw na ito na ang nagpapatakbo sa’yo?

At hindi lang ito tungkol sa Ramadan.

Ang tunay na Muslim ay may disiplina hindi lang sa loob ng 30 araw, kundi sa buong buhay niya.

Kapatid, kung may isang bagay na dapat mong ipangako sa sarili mo ngayong Ramadan, ito na ‘yun.

Kung kaya mong kontrolin ang sarili mo mula sa pagkain at inumin sa buong araw, kaya mo ring pigilan ang sigarilyo.

At huwag mo nang hintayin pang dumating ang araw na wala ka nang choice kundi ihinto ito dahil malapit ka nang bawian ng buhay.

Ngayon pa lang, gawin mo na ang tamang desisyon.

Dahil ang katawan mo ay amanah mula kay Allah. At darating ang araw, pananagutan mo kung paano mo ito ginamit.

“At huwag ninyong itapon ang inyong mga sarili sa kapahamakan.” (البقرة 195)

Ngayon ang tamang oras para ihinto ang isang bagay na hindi kailanman nagbigay ng mabuting epekto sa’yo.

Hindi lang ngayong Ramadan.

Habambuhay.

Comments

    Leave a comment