RASHID OCAMPO

Nov 14, 2026

Bago Maniwala

(𝘉𝘶𝘰𝘥 𝘯𝘨 𝘒𝘩𝘶𝘵𝘣𝘢𝘩 𝘴𝘢 𝘔𝘢𝘴𝘫𝘪𝘥 𝘢𝘭-𝘔𝘢𝘯𝘴𝘶𝘳)

Mga alipin ng Allah, ako at kayo ay aking pinapayuhan na katakutan ang Allah ﷻ sa lihim at lantad, sa salita at sa gawa. Katakutan natin ang Allah sa ating mga dila at sa ating mga kilos, sapagkat ang isang salitang binigkas nang walang pag-iingat ay maaaring magdulot ng malaking kapahamakan, at ang isang balitang pinaniwalaan nang walang pagsusuri ay maaaring maging sanhi ng pagsisisi sa mundong ito at sa Kabilang-Buhay.

Mga alipin ng Allah, ang ating tatalakayin sa khutbah na ito ay umiikot sa isang dakilang babala at malinaw na gabay na ibinigay ng Allah ﷻ sa Kanyang Aklat, isang talata na, kung isasabuhay ng mga mananampalataya, ay magsisilbing panangga laban sa pagkawasak ng mga pamilya, pagkasira ng dangal, at pagdanak ng dugo.

Sinabi ng Allah ﷻ:

﴿يَـٰٓأَيُّهَا ٱلَّذِينَ ءَامَنُوٓا۟ إِن جَآءَكُمْ فَاسِقٌۢ بِنَبَإٍۢ فَتَبَيَّنُوٓا۟ أَن تُصِيبُوا۟ قَوْمًۢا بِجَهَـٰلَةٍۢ فَتُصْبِحُوا۟ عَلَىٰ مَا فَعَلْتُمْ نَـٰدِمِينَ﴾

“O kayong mga sumampalataya! Kapag may dumating sa inyo na isang makasalanan na may dalang balita, suriin ninyo itong mabuti, baka kayo ay makapanakit ng mga tao dahil sa kamangmangan at kayo ay magsisi sa inyong nagawa.” (Surah Al-Hujurat 49:6)

Mga alipin ng Allah, alamin natin ang sababun nuzul, ang dahilan kung bakit ipinahayag ng Allah ang talatang ito.

Ayon sa mga mufassirin, ang talatang ito ay ipinahayag nang isinugo ng Sugo ng Allah ﷺ si Al-Walid ibn ʿUqbah ibn Abu Mu'eet para kolektahin ang zakah mula sa tribo ng Banu al-Mustaliq, isang tribo ng mga Muslim na kamakailan lamang ay yumakap sa Islam.

Noong marinig ng Banu al-Mustaliq na darating ang sugo sila ay naging lubos na masaya at lumabas upang salubungin ito, dala ang kanilang zakah at may layuning ipakita ang kanilang pagsunod sa utos ng Allah.

Ngunit nang makita ni Al-Walid ang mga kalalakihang patungo sa kaniya, nakaramdam siya ng takot dahil sa mga pangyayaring naganap noon sa panahon ng Jahiliyyah.

Dahil sa takot at maling akala, bumalik siya nang hindi sinisiyasat ang katotohanan. Pagharap niya sa Propeta ﷺ, sinabi niya:

إن بني المصطلق قد منعوا الصدقة

“Ang Banu al-Muṣṭaliq ay tumanggi sa pagbibigay ng zakah.”

Sa ilang riwayah, idinagdag pa niya na sila raw ay nagpakita ng pagkamapanganib sa kaniya. Dahil sa bigat ng balitang ito, ang Sugo ng Allah ﷺ ay labis na nagalit dahil dito, at habang siya ay nag-iisip na magpadala ng isang hukbo laban sa kanila, dumating ang delegasyon at sinabi:

يا رسول الله : إنا حُدثنا أن رسولك رجع من نصف الطريق ، وإنا خشينا أن يكون إنما رده كتاب جاءه منك لغضب غضبته علينا ، وإنا نعوذ بالله من غضب الله وغضب رسوله !

“O Sugo ng Allah, nabalitaan namin na ang iyong sinugo ay bumalik matapos makarating lamang sa kalagitnaan ng kanyang paglalakbay. Natakot kami na siya ay bumalik dahil nakatanggap siya ng mensahe mula sa iyo na ikaw ay nagalit sa amin. Kami ay nagpapakupkop sa Allah mula sa galit ng Allah at sa galit ng Kanyang Sugo.”

Nang maihatid ang ulat na ito sa Propeta ﷺ, nahayag ang katotohanan, at dito ipinahayag ng Allah ﷻ ang talata:

﴿يَـٰٓأَيُّهَا ٱلَّذِينَ ءَامَنُوٓا۟ إِن جَآءَكُمْ فَاسِقٌۢ بِنَبَإٍۢ فَتَبَيَّنُوٓا۟﴾

(Al-Hujurat 49:6)

Sa unang tingin, tila isang seryosong balita, isang banta laban sa pamayanan ng Islam. Kung ito ay agad pinaniwalaan, maaaring nagpadala ang Propeta ﷺ ng hukbo at nagbunga ito ng digmaan at pagdanak ng dugo.

Ngunit sa awa ng Allah, ipinahayag Niya ang talatang ito, isang babala na hindi lahat ng balita ay dapat agad paniwalaan, lalo na kung ito ay nagmumula sa isang taong hindi mapagkakatiwalaan.

Nang masiyasat ang katotohanan, napag-alaman na walang katotohanan ang ulat. Ang tribo ay handang magbigay ng zakah at walang masamang balak. Isang maling balita, ngunit halos humantong sa malaking kapahamakan.

Mga alipin ng Allah, dito natin makikita ang bigat ng salitang “فَتَبَيَّنُوا” (fatabayyanu), suriin ninyo, beripikahin ninyo, huwag magpadalos-dalos.

Hindi sinabi ng Allah: “Itanggi ninyo agad.” Hindi rin Niya sinabi: “Paniwalaan ninyo agad.” Kundi sinabi Niya: suriin ninyo.

Ito ang katarungan ng Islam.

Sa panahon natin ngayon, mas lalong nagiging napapanahon ang talatang ito. Isang mensahe, isang screenshot, isang post, isang audio, at agad tayong nagagalit, humuhusga, nagbabahagi, at naninira.

Ilang pagkakaibigan na ang nasira? Ilang pamilya na ang nagkawatak-watak? Ilang dangal na ang nadungisan? Ilang inosente na ang nasaktan? Lahat ito dahil sa balitang hindi sinuri.

Sinabi ng Allah ﷻ:

﴿مَّا يَلْفِظُ مِن قَوْلٍ إِلَّا لَدَيْهِ رَقِيبٌ عَتِيدٌ﴾

“Walang salitang binibigkas ang tao na hindi ito naitatala.” (Qaf 50:18)

At sinabi ng Propeta ﷺ:

كَفَى بِالْمَرْءِ كَذِبًا أَنْ يُحَدِّثَ بِكُلِّ مَا سَمِعَ

“Sapat nang kasinungalingan sa isang tao ang ipasa niya ang lahat ng kanyang naririnig.” (Muslim)

Mga alipin ng Allah, kabilang sa mga aral na matutunan natin mula sa talatang ito ay una:

Ang iman ay nangangailangan ng pagpipigil, hindi padalos-dalos. Ang mananampalataya ay hindi emosyon ang sinusunod, kundi katotohanan.

Pangalawa: Hindi lahat ng nagdadala ng balita ay nagdadala ng katotohanan. Kaya ang kredibilidad ng pinanggalingan ay mahalaga sa Islam.

Pangatlo: Ang pagsisisi ay bunga ng maling desisyon na ginawa nang walang kaalaman. Kaya sinabi ng Allah: “baka kayo ay magsisi sa inyong nagawa.”

Mga alipin ng Allah, bago natin tapusin ang khutbah na ito, suriin natin ang ating mga sarili: Ilang beses na ba tayong nag-share ng balita na hindi natin sinuri? Ilang beses na ba tayong humusga nang hindi pinapakinggan ang kabilang panig? Ilang beses na ba tayong naging instrumento ng fitnah nang hindi natin namamalayan?

Tandaan natin: Ang fitnah ay mas masahol pa kaysa pagpatay. At ang dila at daliri ay maaaring maging kasangkapan ng Shaytan.

Mga alipin ng Allah, kung nais nating pangalagaan ang ating iman, ang ating ummah, at ang ating Akhirah, matutunan nating manahimik kapag hindi tayo sigurado, at magsalita lamang kapag may kaalaman.

Piliin natin ang landas ng Qur’an: Ang landas ng paglilinaw kaysa pagkalat, Ang landas ng katarungan kaysa emosyon, Ang landas ng iman kaysa tsismis. At huwag nating kalimutan ang panawagan ng Allah na tuwirang nakausap ang mga mananampalataya:

“Ya ayyuhal ladheena amanu…” Isang paalala na ang talatang ito ay para sa atin, para sa ating pananampalataya, para sa ating mga puso, at para sa ating pananagutan sa Araw ng Paghuhukom.

Nawa’y tayo ay kabilang sa mga nagbibigay linaw bago maniwala, hindi sa mga nagpapakalat ng fitnah; kabilang sa mga tagapangalaga ng dangal, hindi tagawasak; at kabilang sa mga pinili ang katotohanan para sa kaluguran ng Allah.

Comments

    Leave a comment