
Lahat ng magagaling na du'āt ay naka-focus sa problema.
Ito rin ang dahilan kung bakit napakalakas ng da'wah ng Propeta ﷺ.
Ang mga tao sa Makkah ay nalulunod sa shirk, jahiliyyah, at tribal arrogance.
Mayroon silang mga diyus-diyosan, tiwaling mga pinuno, at isang lipunan kung saan ang mahihina ay inaapi at ang mayayaman ang nagdidikta ng batas.
Pero nang dumating ang Propeta ﷺ dala ang mensahe ng Tawheed, hindi lang siya nagbigay ng lectures.
Inatake niya ang mismong ugat ng problema.
Gaano Kalala ang Problema?
Bilangin natin...
Sumasamba sila sa mga batong hindi man lang makapagbigay ng tulong o kapahamakan sa kanila.
May mga transaksyong may riba na lalong nagpapahirap sa mahihirap.
Ibinabaon nila nang buhay ang sarili nilang mga anak na babae dahil sa kahihiyan.
Nagpapatayan sila nang walang dahilan, dahil lang sa maliliit na away ng tribo.
Ang mas malala? Akala nila normal lang ito.
Pero dumating ang Islam at winasak ang ikot ng pasakit na iyon.
- Pinalitan ng Tawheed ang shirk.
- Pinalitan ng hustisya ang pang-aapi.
- Pinalitan ng tunay na kapatiran ang tribalismo.
At tulad ng Propeta ﷺ na inatake ang pinakaugat ng problema ng kanyang panahon, ang pinaka-epektibong du'āt ngayon ay ganoon din.
- ✖️ Hindi lang sila basta nagbibigay ng lectures.
- ✖️ Hindi lang sila basta nakikipag-debate.
- ✔️ Nakikita nila kung saan nahihirapan ang ummah, at hinahanapan nila ito ng solusyon.
Tumingin Ka sa Paligid Mo
Nagdurusa ang ummah.
- Maraming Muslim ang nalulunod sa kamangmangan. Ni hindi nila alam ang fard 'ayn.
- Mga kabataang naliligaw sa secularism at liberal ideologies. Hindi na nila nakikita ang Islam bilang relevant.
- Mga pamilyang nasira ng haram na relasyon, divorce, at broken homes.
- Mga Muslim na para nang alipin ng dunya. Puro pera at status ang habol, pero walang laman ang kanilang akhirah.
- Paglaganap ng bid'ah at cultural Islam, kung saan mas sinusunod ang tradisyon kaysa sa Qur'an at Sunnah.
Ang Problema?
Maraming du'āt ang hindi nakikita ito.
- Panay refutations, pero walang binubuong solusyon.
- Memorize ang mga libro, pero hindi marunong kumonekta sa mga kabataan.
- Palaging nakikipagdebate online, pero hindi nakikita ang paghihirap ng sarili nilang komunidad.
Ang da'wah ay hindi lang pagsasalita. Ang tunay na da'wah ay paglutas ng problema.
Mga Du'āt na Problem Solvers
Ang pinaka-epektibong du'āt sa kasaysayan ay hindi lang mga tagapagsalita. Sila ay mga problem solvers.
- Ibn Taymiyyah (rahimahullah): Hindi lang siya nag-refute ng mga deviant groups. Pinalakas niya ang ummah sa pamamagitan ng Tawheed at jihad laban sa pang-aapi.
- Shaykh Muhammad ibn 'Abdil-Wahhab (rahimahullah): Hindi lang siya nagsalita laban sa bid'ah. Binuhay niya ang dalisay na Tawheed sa isang lipunang nalunod sa shirk.
Gusto Mong Maging Tulad Nila?
Itigil ang da'wah na puro tunog maganda lang. Simulan ang da'wah na tunay na nakakatulong.
Walang masama sa pag-atake sa bid'ah. Ang masama ay ang hindi pagtuturo ng Sunnah sa paraang kayang sundan ng tao.
Imbes na debate nang debate sa mga Kristiyano, sagutin ang mga duda ng mga Muslim na nalilito.
Imbes na basta banatan ang modernism, bigyan ng Islamic solutions ang ummah para makatawid sa modernong mundo.
Tunay na da'wah = Tunay na solusyon
Gusto Mong Maging Epektibong Dā'ī?
Kilalanin ang problema.
Ayusin ito.