RASHID OCAMPO

Nov 11, 2026

Huwag Hanapin ang Unos

Huwag mong hanapin ang unos kung hindi mo alam kung makakayanan mo ang bagyo

(Ibinahagi nang may pahintulot.)

Ang Tanong

Assalamu alaykum po, ustadh.

Matagal-tagal na rin po akong naghahanap ng mapapangasawa ng asawa ko. Ako po ang unang asawa, at sa dami po ng babaeng nakausap ko, karamihan ay ayaw at may iilang nagtatanong kung bakit ko raw po ginagawa. Hanggang sa may nakausap ako na nakapag-aral siya sa Islam at naiintindihan ang Qur'an. At isa sa natandaan ko sa sinabi niya sa akin: iba na raw ang generation noon ng mga Sahabiyah at sa generation ngayon, lalo na sa usaping pag-aasawa ng higit sa isa...

Kami ay may simpleng pamumuhay at hindi mayaman, at alam po iyon ng mga babaeng nakakausap ko. Nabibigay naman po ng asawa ko ang pangangailangan namin mag-ina. Ang sa akin lang po ay matulungan ko po ang asawa ko na makaiwas sa fitnah na dulot ng babae, kahit na alam ko na nakapag-aral sa Islam ang asawa ko at naisasabuhay niya naman ito.

Ano po maimamapayo sa mga babaeng nagsasabi ng tulad po ng nabanggit ko sa itaas?

Kase ang sa mindset ko po ngayon ay, oo, mahalaga rin ang kayamanan lalo na kung mag-aasawa ng higit sa isa, pero para sa akin po hindi hadlang ang kahirapan para hindi makapag-asawa ng higit sa isa ang asawang lalaki, lalo na't naibibigay naman nito ang mga pangangailangan. Ang sa mindset ko po ay ang mahalaga ay hindi makagawa ng kasalanan at maiwas sa fitnah ang aking asawa.

Humihingi rin po ako ng advice sa inyo, ustadh, kung tama po ba ang mindset ko, kase natatakot po ako na salungatin ko ang ayah na ibinaba ng Allah patungkol sa pag-aasawa ng lalaki hanggang apat.

Ang Sagot

Wa 'alaykumus-salam.

Aaminin ko, natutuwa ako sa intensyon mo. Gusto mong ilayo ang asawa mo sa fitnah at sundin ang Islam. Gantimpalaan ka nawa ng Allah.

Pero sister, kailangan mong maintindihan ang isang mahalagang bagay: hindi mo trabaho na maghanap ng mapapangasawa ng asawa mo.

Alam mo ba kung ano ang irony dito? Sa dami ng kababaihan ngayon na nagagalit sa ta'addud, ikaw naman ay actively naghahanap ng mapapangasawa ng asawa mo.

Pero sigurado ka bang handa ka? Are you sure?

Kasi ganito 'yan: Ang pagsubok ay hindi mo hinahanap o pinapangarap. Pero pag dumating ito, kailangan mong harapin at magpakatatag.

May kasabihan nga:

"Huwag mong hanapin ang unos kung hindi mo alam kung makakayanan mo ang bagyo."

Ang Payo ng Propeta ﷺ

Sinabi ng Propeta ﷺ:

لَا تَمَنَّوْا لِقَاءَ الْعَدُوِّ، وَسَلُوا اللَّهَ الْعَافِيَةَ، فَإِذَا لَقِيتُمُوهُمْ فَاصْبِرُوا

"Huwag ninyong hilingin na makaharap ang kaaway, at hilingin ninyo sa Allah ang kaligtasan. Ngunit kapag nakaharap na ninyo sila, magpakatatag kayo."

(Sahih al-Bukhari 2966; Sahih Muslim 1742)

Bagaman tungkol ito sa pakikipaglaban, kinukuha ng mga ulama mula rito ang isang pangkalahatang prinsipyo: huwag hilingin ang pagsubok, pero kapag dumating, magtiis.

Ang ta'addud ay hindi biro. Hindi porket gusto mo ngayon ay madali mo na itong matanggap kapag dumating na. Kaya huwag mo itong pangarapin, baka hindi mo kayanin.

Hindi Hadlang ang Kahirapan, Pero...

Oo, tama ka na hindi hadlang ang kahirapan para sa ta'addud. Hindi required maging mayaman para mag-asawa ng higit sa isa. Pero hindi rin ibig sabihin na dapat ipilit ito kung hindi kinakailangan.

Kaya ang tanong: kailangan ba talaga?

Isipin mo: Kung ang Propeta ﷺ ay nag-asawa muli bilang bahagi ng kanyang misyon, hindi lang dahil sa personal na kagustuhan, bakit natin ipipilit sa sarili nating buhay kung hindi ito ganap na kailangan?

Kung kaloob ng Allah na mag-asawa muli ang asawa mo, darating 'yan sa tamang oras, kahit hindi mo hanapin.

Ang tanong: Bakit mo gustong hanapin?

Ang Tunay na Solusyon

Kung dahil natatakot kang mahulog siya sa fitnah, ang solusyon ay hindi agad ta'addud. Ang solusyon ay:

  • palakasin ang taqwa niya,
  • gabayan siya sa pananampalataya, at
  • gawing matibay ang relasyon ninyo bilang mag-asawa.

Ang totoo? Mas maganda kung ibuhos mo ang energy mo sa pagpapaganda ng inyong pagsasama kaysa sa paghahanap ng babaeng ipapakasal sa kanya.

Ang buhay, sister, ay hindi isang malaking eksperimento kung saan sinusubukan natin kung hanggang saan tayo dadalhin ng Allah.

Kaya kung may darating na pagsubok, tanggapin natin at kayanin. Pero huwag nating hanapin at ipilit.


P.S. Magtanong at kumonsulta sa ating mga mas mapagkakatiwalaang ulama, tulad ng mga doktor na sina Dr. Farouq, Dr. Muhd Ata, Dr. Abdullah Abtahi, at iba pa.

May Allah guide you and grant you wisdom.

Comments

    Leave a comment